Aquino, Roxas muling nanguna sa MBC survey
Isang buwan mula nang simulan ang kampanya, lalong pinatunayan ng tambalang Liberal Party standard bearer Noynoy Aquino at vice presidential Mar Roxas ang kanilang pangunguna sa pulso ng taumbayan bilang pangulo at bise pangulo na posibleng manalo sa nalalapit na May 10 elections.
Ayon sa inilabas ngayong araw na pre-election survey ng Manila Broadcasting Company-DZRH, pinili si Aquino ng 37.1 porsiyento ng mga respondents mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, samantalang si Roxas naman ay nakakuha ng mataas na rating na 44.3 porsiyento. Ang survey ay ginawa noong Pebrero 15 at 16 at gumamit ng kabuuang 7,461 respondents.
Ang pinakamalapit na kalaban ni Aquino na si Manuel Villar ng Nacionalista Party ay nakakuha lamang ng 29.8% na rating, o 7.3% na mas mababa kesa sa rating ni Aquino.
Si Loren Legarda, na siyang runningmate ni Villar, ay nakakuha lamang ng 24% na boto, o 20.3% na mas mababa sa porsiyento ni Roxas.
Nauna na rito, lumamang din ng todo sina Aquino at Roxas sa mga surveys na isinagawa ng mga independent polling firms na Social Weather Stations at Pulse Asia mula pa noong Disyembre noong isang taon.
Ang patuloy na pag-angat ng LP tandem ay patunay ng dumaraming bilang ng mga Pilipino na naniniwalang mababago ng dalawang kandidato ang bulok na sistema ng pagpapalakad sa ating bansa at kanilang mapipigilan ang patuloy na paglaganap na katiwalian sa gobyerno, na siyang isinusulong nina Aquino at Roxas.
Paniwala ng mga kandidato ng Liberal Party, panahon na para muling bumangon ang Pilipinas mula sa kahirapan at kahihiyang kinasasadlakan nito ngayon na bunga ng sari-saring anomalya at iskandalo na kinasangkutan ng mga opisyales ng kasalukuyang administrasyon.
Ang resulta ng MBC survey sa presidential race: Aquino, 37.1%; Villar, 29.8%; Joseph “Erap” Estrada, 13.9%; Gilbert Teodoro, 6.9%; Sen. Richard Gordon, 3.1%; at Bro. Eddie Villanueva, 2.6%.
Para naman sa bise president: Roxas, 44.3%; Legarda, 24%; Makati Mayor Jejomar Binay, 12.1%; Edu Manzano, 5.9%; at Bayani Fernando, 2.2%.



































