Press Release

Aquino-Roxas wagi uli sa UST polls

Hindi na talaga maawat ang tambalang Senators Benigno S. Aquino III at Mar Roxas, ang pambato ng Liberal Party, matapos na muli nilang dominahin sa ikatlong pagkakataon ang mock polls na isinagawa ng mga estudyante ng University of Sto. Tomas bilang posibleng susunod na presidente at bise presidente ng bansa.

Sa Pebrero 16 hanggang 19 na resulta ng Political Opinions of the Youth (POYS) survey na nilahukan ng 13,599 mag-aaral ng kabuuang 12 kolehiyo at departamento sa UST, nakumpirmang muli na talagang si Aquino at Roxas ang nangunguna sa mga kandidato para Pangulo ang Pangalawang Pangulo sa Mayo 10 sa mga kabataan at estudyante.

Ginawa ang mock polls kasabay ng halalan para sa UST University Student Council at college level student council. Mayroon itong margin of error na mas mababa sa 1%. Inilabas ang resulta ng nasabing mock polls kasabay ng Thomasian Media Circle, na nagbunsod sa selebrasyon ng ika-400 na anibersaryo ng UST.

Sa naturang mock polls, number one si Aquino sa pampanguluhan at nakakuha ng boto ng 33.2% ng mga mag-aaral. Sinundan siya ni administration candidate Gilbert Teodoro na nakakuha ng 32.5%, pumangatlo naman si Senador Richard Gordon na nakapagtala ng 15.4%, pang-apat lang si Senador Manuel Villar na may 7.2%, pang-lima ang religious leader na si Bro. Eddie Villanueva 1.5%, at pang-huli lang si dating Pangulong Joseph Estrada na may 1%.

Samantala, gaya ng ibang mock polls at pre-election surveys, milya-milya ang agwat ni Roxas sa mga katunggali niya sa pagka-bise presidente dahil pinili siya ng 46.5% ng mga sumai sa mock polls. Ito ay 24.6% na kalamangan sa pumangalawang si dating MMDA Chairman Bayani Fernando na nakakuha ng 21.9%, pangatlo si Makati City Mayor Jejomar Binay na may botong 15.2%, pang-apat lang si Sen. Loren Legarda na mayroong 6.4% at pang-huli ang akotor na si Edu Manzano na may 1.2%.

Nauna rito, sina Aquino at Roxas ay kapwa nanalo na rin sa magkahiwalay na mock polls ng UST noong Disyembre 2009 at Pebrero taong kasalukuyan.

Share this
  • Facebook
  • Twitter
  • del.icio.us
  • Digg
  • StumbleUpon
  • Tumblr
blog comments powered by Disqus