Press Release

Kapalmuks ang mga cabinet officials – Roxas

Ang kakapal ng mukha.

Ito ang reaksyon ng Partido Liberal sa anim na miyembro ng Gabinete ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na kapit-tuko sa pwesto at ayaw magbitiw kahit sinabihan na sila ng Korte Suprema na lumalabis na sila sa kanilang pang-aabuso ng kanilang pwesto sa gobyerno.

Ayon kay LP Director General Chito Gascon, nananawagan ang tandem ni Senador Noynoy Aquino at Senador Mar Roxas na mga pambato ng LP para Presidente at Bise-Presidente sa anim na miyembro ng Gabinete na magbitiw na para hindi naman magmukha silang mga swapang sa kapangyarihan na pati Korte ay babastusin huwag lang mawala ang mga pribilehiyong nakukuha sa kanilang mga pwesto.

Pinaboran ng Korte Suprema ang petisyong inihain ni Roxas bilang Pangulo ng Partido Liberal noong Disyembre na baguhin nito ang naging desisyon na pwedeng manatili sa pwesto ang mga miyembro ng Gabinete kahit na sila’y tumatakbo sa darating na eleksyon.

Nitong Lunes, naglabas ng desisyon ang Kataas-taasang Hukuman na awtomatikong tanggal sa pwesto ang mga miyembro ng Gabinete na ito at pati na ang ibang opisyal ng pamahalaan at korte na kandidato para sa Mayo 10.

Ayon kay Gascon, sobrang kapalmuks na ang mga naturang miyembro ng Gabinete na hindi nila matanggap na dapat ay umalis na sila sa pwesto. Mukhang nahawa na sila ng todo sa kanilang amo na ayaw umalis sa pwesto kahit siya na ang may pinakamabahong imahe sa mga naging Pangulo ng bansa, dagdag ni Gascon.

Share this
  • Facebook
  • Twitter
  • del.icio.us
  • Digg
  • StumbleUpon
  • Tumblr
blog comments powered by Disqus