Laylo-MST survey kinumpirma na No. 1 si Roxas sa May 10 polls
Pitong araw bago ang kauna-unahang automated elections sa bansa sa Mayo 10, kinumpirma ng isang bagong survey ng mga botante na halos halos tiyak na ang panalo ni Liberal Party vice-presidential candidate at race frontrunner Mar Roxas ng may lamang na halos limang milyong boto sa kandidatong papangalawa sa kanya.
Patuloy na nangunguna kontra sa kanyang mga katunggali sa pagka-Bise Presidente si Roxas batay sa pinakahuling survey na isinagawa ng pollster na si Junie Laylo para sa pahayagang Manila Standard Today noong Abril 25-27 sa 2,500 na respondents na mga rehistradong botante sa buong bansa.
Kung makakaboto lahat ang tinatayang 50 milyong rehistradong botante, lalamang si Roxas ng halos limang milyong boto sa pinakamalapit niyang karibal sa pagka-Pangalawang Pangulo, ayon sa survey na ito.
Batay sa resulta ng naturang survey, nanguna si Roxas sa mga kandidato para Bise-Presidente na may 38% na boto o sampung puntos na lamang sa pumangalawang si Makati Mayor Jojo Binay, na naungusan naman ang dating laging pumapangalawa na si Senador Loren Legarda sa nakuha niyang 28% na rating kumpara sa 20% ng senadora.
Umakyat sa pang-apat na puwesto ang kandidato ng Arroyo Administration na si Edu Manzano sa nakuha niyang 3% samantalang si Bayani Fernando ay nakakolekta ng 2%. Ang iba pang kandidato para sa bise president ay mayroon lamang ratings na 1 percent o mas mababa pa rito.
Inaasahan ng kampo ni Roxas na lalo pang lalaki ang lamang niya sa botohan sa susunod na Lunes kasunod ng matunog na pag-endorso sa kanya ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa, magsasaka at mga religious groups gaya ng grupo ni Pastor Apollo Quiboloy.
Pormal ding inindorso si Roxas ng mga kongresista bumubuo sa Northern Alliance sa pangunguna ni Ilocos Sur Rep. Eric Singson at ng mga kilalang gobernador at mayor sa buong bansa gaya ni Sagay City Mayor Alfredo Marañon na nangungunang kandidato para sa gobernador sa Negros Occidental, si Mayor Celso Lobregat ng Zamboanga City at iba pa.
Mas nauna sa survey na ginawa ni Laylo para sa Manila Standard Today, kinumpirma din ng isang survey naman na ginawa ng Pulse Asia mula Abril 23-25 na nangunguna si Roxas sa gustong iboto ng mga Pilipino bilang Pangalawang Pangulo at maaaring umabot sa halos limang milyong boto ang maaaring maging lamang niya kumpara sa makukuha ng pinakamalapit niyang karibal sa halalan.
| MANILA STANDARD TODAY/LAYLO REPORT | ||
| VICE PRESIDENTIAL RACE | April 25-27 | April 18-20 |
| Sen. Mar Roxas | 38 | 41 |
| Makati Mayor Jejomar Binay | 28 | 22 |
| Senator Loren Legarda | 20 | 23 |
| Bayani Fernando | 2 | 3 |
| Edu Manzano | 3 | 2 |



































