Loren ginustong pahinain ang Cheaper Medicines Law
Inakusahan ngayon ng Partido Liberal si Nacionalista vice-presidential bet Senador Loren Legarda nang pagpapanggap na maka-mahirap dahil me pruwebang kinampihan niya ang mga dambuhalang pharmaceutical companies para pahginain ang Cheaper Medicines Law.
Noong Setyembre ng 2007, naghain si Legarda ng Senate Bill No. 1530, o ang kanyang bersyon ng cheaper medicines bill, kung saan nagpanukala siya ng pagbuo ng Drug Price Regulation Board, ayon kay Liberal Party Director General Chito Gascon.
Kabilang sa bersyon ni Legarda ng Cheaper Medicines Law ang panukalang mag-appoint ang Pangulo ng representante ng mga “national pharmaceutical companies” at “drug manufacturers” sa naturang drug price regulatory board.
Kung nangyari ito, siguradong nakikialam na ng todo ngayon ang mga pharmaceutical companies sa pagpapatupad ng programang pababain ang presyo ng mga gamot, ayon kay Gascon.
Katulad ito ng “Drug Price Regulation Board” na nauna nang ipinanukala ni Iloilo Rep. Ferjenel Biron, kakampi ni Pangulong Gloria Arroyo at ngayon ay kabilang sa Nacionalista Party.
Ang napasang bersiyon ng cheaper medicines bill ay yaong naglalagay sa Pangulo ng kapangyarihan para magtakda ng presyo ng gamot.
Tinutulan ng maraming ekonomista ang panukalang drug price regulation board, lalo na’t magiging kabahagi ang mismong mga kumpanya ng gamot sa pagpapasya sa pagtatakda ng presyo nito.



































