Press Release

Pito sa sampung pinoy, ‘di iboboto ang kandidato ni GMA

Puno, Pichay lilipat na kay Villar?

Pito sa sampung Pilipino ang malamang na hindi iboboto ang kandidato ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para Pangulo sa Mayo 10, ayon sa survey ng Pulse Asia mula Enero 22 hanggang 26.

Lumabas ang survey kasabay ng paglutang ng balitang lilipat na si DILG Secretary Ronaldo Puno at Presidential Political Adviser Prospero Pichay sa kampo ni Senador Manuel Villar na lalong nagpatibay ng kuro-kurong ang talagang kandidato ni GMA para sa Mayo 10 ay hindi si dating Defense Secretary Gilbert Teodoro kundi si Villar.

Ayon sa Pulse Asia, apat na porsyento lang ng mga Pilipino ang boto at 12 porsyento ang mag-iisip pa kung iboboto nila ang sinumang kandidato ni GMA para Pangulo.

Singkwenta’y dos porsyento ang talagang hindi iboboto at bente-dos porsyento ang maaaring hindi iboto ang kandidato ni GMA, ayon sa survey ng Pulse Asia.

Dahil dito, lalong lumabo ang tsansang manalo sa Mayo 10 ni Teodoro na kandidato ng Lakas-Kampi ni GMA.

Pero mas malaki ang epekto ng naturang balita kay Villar, na bagaman kandidato ng Nacionalista Party ay napabalitang may alyansa kay GMA sa darating na eleksyon para maging Speaker sa Hulyo si Pangulong Arroyo kung si Villar ang maging Pangulo, ayon kay LP Director General Chito Gascon.

Dagdag ni Gascon, ang balitang lilipat na kay Villar ang dalawang pinagkakatiwalaang miyembro ng Gabinete na umaayos ng mga alyansang pampulitika ni GMA na si Puno ng DILG at si Pichay ng Political Affairs Office ng Palasyo ay lalo lang pinatibay ang paniniwala ng LP na si VIllar ang talagang kandidato ni GMA at ng Malacañang.

Share this
  • Facebook
  • Twitter
  • del.icio.us
  • Digg
  • StumbleUpon
  • Tumblr
blog comments powered by Disqus