Press Release

Rice importation, ipapatigil ng administrasyong Aquino-Roxas

Binigyang diin ngayon ni Liberal Party vice-presidential candidate Senador Mar Roxas na ipatitigil ng administrasyong Aquino-Roxas ang importasyon ng bigas at sa halip ay maglalaan na lamang sila ng dagdag na pondo sa mga magsasaka.

Ayon kay Roxas, ang pag-aangkat ng bigas mula sa mga bansang gaya ng Vietnam at Thailand ang dahilan kung kaya marami sa ating mga magsasaka sa ngayon ang hindi kumikita ng sapat.

Ito rin ayon pa kay Roxas ang dahilan kaya’t napipilitan ang mga magsasaka ng bigas na ibenta sa mas mababang halaga ang kanilang mga pananim upang makatugon sa matinding kumpetisyon sa bentahan ng bigas sa Pilipinas.

Nag-aangkat ang Pilipinas ng mula 1.5 milyon hanggang 2.3 milyong tonelada ng bigas mula sa ibang bansa simula noong 2006. Sa taong 2010, balak ng National Food Authority na umangkat tayo ng 2.3 milyong tonelada.

Idinagdag ni Roxas na sa halip na pondohan ng pamahalaan ang importasyon ng bigas, maaari na lamang nitong ilagay ang pondo para sa pagpapalakas ng credit facilities para sa mga magsasaka.

Sinabi pa ng nangungunang kandidato para Bise-Presidente na ang pagbibigay ng dagdag na puhunan sa mga magsasaka ay makakatulong sa pagbili ng mas marami pang binhi at kagamitan sa pagsasaka.

Binigyang diin din ni Roxas ang pangangailangan na isaayos ang irigasyon sa mga lupang pangsakahan na sa ngayon ay isa sa matinding problema ng ating mga magsasaka.

Idinagdag ng senador na 60 porsyento lamang ng lupang sakahan sa Nueva Ecija ang nakikinabang sa irigasyon kahit na sa kasalukuyan ay anmg probinsiya ang pangunahing pinagkukunan ng bigas sa bansa.

Iginiit pa ni Roxas na bagaman may ilang dekada ng napapabayaan ang sektor ng agrikultura ng gobyerno, sa ilalim ng administrasyong Aquino-Roxas ang agrikultura ay kanilang prayoridad.

Share this
  • Facebook
  • Twitter
  • del.icio.us
  • Digg
  • StumbleUpon
  • Tumblr
blog comments powered by Disqus