SC ruling sa Cabinet officials pinuri ni Roxas
Ginawang patas ng Supreme Court ang labanan ng mga kandidato sa May 10 national at local elections sa desisyon nitong pag-bitiwin ang mga tumatakbong appointed officials, ayon kay Liberal Party vice presidential candidate Senador Mar Roxas.
Pinuri ni Roxas na pangulo ng Liberal Party ang naging desisyon ng SC na nagbabawal sa mga appointed officials na gamitin ang kanilang pwesto at pera ng gobyerno para sa kanilang pagkandidato.
Kasabay nito’y hinimok ni Roxas ang mga apektadong Cabinet officials – gaya nina Executive Secretary Eduardo Ermita, Justice Secretary Agnes Devanadera, Agriculture Secretary Arthur Yap, at Presidential Management Staff chief Hermogenes Esperon, na pawang kandidato para kongresista na sa iba’t ibang probinsya – na agad na sundin ang SC ruling at magsipag-resign na.
Maging ang mga Comelec personnel ay dapat din umanong kagyat na magsumite ng kanilang resignation letters bilang pagsunod sa SC ruling. Anim na Comelec personnel sa limang rehiyon ang nagsumite ng kanilang certificate of candidacy para sa 2010 elections: sila ay sina Francis Likigan, election officer (EO) ng Baguias, Benguet; Orlino Agatep, EO ng Tuguegarao City; Mac Laylay, EO ng Kabugao, Apayao; Myrna Bragado, assistant EO ng San Emilio, Ilocos Sur; Alfonso Combong III, EO ng Hamtic, Antique; at Raymond Ginda, EO ng Bonga, Samar.
Sa botong 10-5, binaligtad nitong Lunes ng SC en banc ang naunang desisyon nito noong December 1, 2009 na nagsasabing lahat ng appointed officials, kabilang ang mga miyembro ng judiciary at poll body na naghain na ng certificate of candidacy para sa May 10 elections ay tinuturing nang “resigned.”



































